Thursday, August 04, 2005
Ako'y Isang Penoy sa Pugad Baboy
Heto ang kwento ko noong una kong masilayan ang Pugad Baboy.
Bumisita ako noon sa Pinas. Kasama ko ang kaibigan ko sa loob ng taxi. Nakalimutan ko na kung gaano katrapik sa Maynila. May dalang Pugad Baboy ang Kaibigan ko. Nakibasa ako. Aba, talaga namang sa sobrang tawa ko sa mga comic strips eh hiyang-hiya ang kaibigan ko sa taxi driver. Eh paano naman, ang galing-galing ng mga dyoks at ang ganda-ganda ng drowing.
Simula noon, tuwing kaarawan ko o Pasko, yun ang hinihingi kong regalo. Nasilayan ko mula Pugad Baboy 1 hanggang 17 kung gaano kalaki ang improvement ng drowing ni Mr. Pol Medina. Minsan, hindi ko maubos maisip kung paano nya napagkakasya ang detalye sa napakaliit na kwadro ng comics nya. Para sa akin, sya ang pinakamagaling na kartunista ng Pilipinas.
Dahil sa Pugad Baboy, ako'y natutong magtagalog muli at sa Pugad Baboy ko lang natutuhan kung anong nangyayari sa bansa. Hindi kasi ako nagbabasa ng balita dahil nakapanlalata at nakakalungkot talaga. Pero sa Pugad Baboy, maski anong paksa, medyo may katatawanan pa rin.